INAY KO PO , yaan ang karaniwang atin pong BINIBIGKAS…
Lalo na ang mga mumunting anak na kung sa sakuna po’y UMIIGKAS;
Mga NANAY din ang nagtuturo nang pagsaing ng BIGAS- –
Pati nga ang pagpapaandar ng mga sinaunang kalang de GAAS!
GASGAS na nga halos ang ating mga TENGA…
Sa mga payo at pangaral, kapag tayo’y nahahantong sa DISGRASYA;
Napakabait ni NANAY, noong tayo’y musmos halos nais kunin sa pagitan ng ating ipin ang TINGA- –
Ni ayaw tayong madapuan ng lamok, pati ng langaw; tunay po na sila’y KAKAIBA!
Malupit nga po naman sila PAMINSAN-MINSAN…
Subalit ang aruga at pagmamahal, palagi pong NARIRIYAN;
Noong tayo’y mga sanggol, tayo’y palagiang IDINUDUYAN- –
Tunay na sila, sa mga tahanan ang syang tampok na LUNDUYAN!
Bagamat nabansagang ang mga AMA po ang siya nating HALIGI…
Ang mga NANAY po naman natin ang siyang ating ILAW na PALAGI;
Buti pa nga po ang MERALCO ay mayroon pong BROWN OUT- –
Ang mga INAY po’y walang break-time, ‘di nga pwedeng mag- TIME-OUT!
Kaya atin pong mahalin ang ating mga mapag-arugang INA…
Na kasama pa rin natin sa ngayon, o kahit tayo’y ulila NA;
Umusal tayo po tuwina ng marubdob kahit na maikling DASAL- –
Para sa ating mga NANAY na napakasarap po talagang MAGMAHAL!